Ang pagpapaliit ng tiyan kung minsan ay parang trapik sa EDSA –nakamamatay.
Ilan sa mga hindi ko makakalimutang pakiramdam ay ang mag push up ng pagkaraming beses na naka angat ang paa, umakyat bumaba ng hagdan nang isang oras at ang mag jogging ng mabilis palayo sa tumatahol na aso para lang lumiit ang tiyan na ito. Para palang hihimatayin ka na aatakehin sa puso ang pakiramdam.
Kaya’t sana itigil na ng ating lipunan ang ganitong pagpapahirap at pagpaparusa sa mga taong nagkakabilbil.
Pero dati naman talaga, nung college days, sanay ako tumakbo ng isang kilometro araw-araw. Natigil lang yun nung ilipat ang 7am subject ko sa alas diyes.
Kamakailan naisipan kong bumalik sa pag e exercise nang minsang kapusin ako ng hininga habang nanonood ng Desperate Housewives at Survivor Philippines. At ngayon higit pa sa maliit na tiyan lang ang hangad ko. Gusto ko yung me anim na pandesal sa labas ng aking sikmura. Ewan kung paano ko yun gagawin. Goodluck.
Ayon sa mga nagmamagaling da best pa rin daw na abs exercise ang cardio o jogging o yung pagtakbo. Bakit me nakita ka na bang isnatcher na malaki ang tiyan? At dahil hindi ligtas ang mga kalsada natin ngayon, sa tingin ko mainam na substitute na ehersisyo ang skipping rope. Magka heart attack ka man sa kakatalon at least nasa privacy ka ng iyong tahanan.
Ang alam ko lang dati na exercise sa abs ay ang pag-ubo. Sa tuwing dadapuan ako ng sakit na ito, sumasakit din pati abdominals ko sa kaka ubo, parang nag crunches ka rin ng isandaang beses sa isang oras ng buong araw!
Pero ngayon daw ang usong exercise ay ang Inversion Therapy. Ito ay ang pag ehersisyo habang naka lambitin patiwarik na parang paniki. Mainam daw ito sa back pain. Nagiging maaliwalas ang iyong isip at nakakapag concentrate ka sa isang bagay –kung paano mo hihilahin pataas ang iyong sarili na hindi sumisigaw ng saklolo.
Kaya’t noong minsang magawi ako sa gym hindi ko mapigilan ang aking sarili na gawin ang inversion na to at baka sakaling mapa bilis ang paglabas ng six-pack pandesal ko. Minsan ko lang ginawa at hindi na inulit . Nakita ko kasing nahulog na parang mga isnow ang aking mga balakubak.
Balik rowing machine na lang ako. Ang paborito kong exercise. Nagiging tense kasi ang muscles mo dito, bumibilis ang takbo ng puso kahit hindi ka gaanong gumagalaw –parang nasa traffic jam ka lang.
Para mas lalo kang ma motivate sa ginagawa mong adhikain sa gym, dapat rin daw meron kang kasama. Taga paalala, taga alalay, taga salo. Hinikayat ko ang isang kaibigan na sumama, pero sabi nya, di nya kailangan mag exercise, He is in shape. Round is a shape daw. So ok solo ako.
Sa tingin ko malaking tulong sa peace and order sa ating bayan kung magkakaroon ng isang matinding abs program para sa mga parak. Para kahit papano magtagal sila ng limang minuto sa tugisan. At mabawasan ang masasamang loob. At tayong lahat ay makakatulog ng mahimbing sa gabi.
Habang merong nangyayaring tugisan sa aking panaginip –tungkol sa pandesal, six pack at inversion therapy. Basta…
Exercise Tip: Kung nahihirapang mag sit-up ang isang tao, i-hook lang ang hintuturo sa loob ng kanyang pusod.
Ano kaya ang trip mong gamiting screen name halimbawang maging porn star ka?
Totoy Mola ay isa sa pinag iisipan kong gamitin. Tunog malaking kargada. Pero dahil si Jay Manalo na yun dyahi nang gamitin. Naisip kong mas angkop kung Totoy Bigo na lang. Hindi nga gaanong malaswa pero bagay. Kailangan ko pa bang sabihin kung bakit? Ngayon alam nyo na kung bakit ako nawalan ng gana sa pag blog.
Huwag kayong mabahala --kung kayo’y nababahala man. Hindi ako bitter. Paborito ko lang talagang ulamin ang ampalaya nung mga nakaraang araw pero hindi ako bitter. Alam kong sanay na akong mawalan ng lablayp. Pero sana hindi naman sa paraan na… you know… pagtaksilan ka… you know…
Kaya nga Totoy Bigo.
Pero ngayon nakakatawa na uli ako. Lalo na kung nakikita ko si Aling Dionesia Paquiao na nagbo ballroom sa tv parang nagiging maaliwalas ang pakiramdam ko. Hindi gaya noon na lagi kong naiisip kung paano ko karumal dumal na paslangin ang me pakana ng kabiguan na ito.
Dati tinatakpan ko ang aking tenga pag nakakadinig ng love songs. Kahit mga kanta ng Black Eyed Peas ayoko rin madinig. Ampangit naman ng pakiramdam na emo ka pero umiindak. Pero Ok na ako ngayon. Naging malaki din ang tulong nang pagbabasa. Ang pagbabasa ng mga children’s books. Naiiwasan kong maging bayolente at mas nakaka relate na ako ngayon sa cartoon network.
Oo, malaking bahagi ng pag move-on ay ang panonood ng TV. Lalo na ang panonood ng balita. Balita ng mga aksidente, kalamidad, holdapan, patayan at Mindanao. Mapagtatanto mong mapalad ka pa rin at puso lang ang masakit sa yo. Samantalang ang iba ay nalulunod sa barko o di kaya ay nasasagasaan ng bus. Malaking bonus na lang kung me balita tungkol ke Noynoy at Kris. Kahit papaano ay maaaliw ka sa masalimuot nilang buhay.
Sabi ko nga, OK na ako. Nabigo man, mapusok pa rin. Sumusugal pa rin sa lablayp. Mabilis pa rin ma in lab. Kahit kung minsan nagtatagal lang ng five minutes ang akala mong relasyon –libog lang pala. Pero Ok na rin kesa wala. Ilang five minutes ba sa isang oras. Kung minsan masaya rin ang mag move-on.
Pero kung ganito rin lang ang buhay, walang pinagka iba sa porn star. Parang masayang gamitan. Ayaw mong masaktan pero gusto mong ma in love. Ayaw mo na gusto. Ang gulo.
Kaya nga nag-iisip na lang ako ng screen name para malibang . Totoy BIGo. Pwede na.
Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob ako sa Diyos? Bakit? Ganun na ba katulis ang sungay ko para tanungin nyo ko ng ganyan? Hindi po sungay ang matulis sa akin.
Alam ko matagal na akong hindi nagagawi ng simbahan . Mas madalas dinadala ako ng aking mga paa sa mga tagayan ng red horse, o sa tayaan ng lotto, o sa bilihan ng porno. Kaya marahil hindi pinagpapala ang aking kapalaran dahil sa mga kademonyohan na ito.
Nakaka guilty na rin kung minsan. Oo nakakaramdam din ako ng guilt. Minsan isang taon. Lalo na at malapit na ang mating Lenten season. February 25 ash Wednesday na. Malamang sa araw na yun na lang ako pupunta ng simbahan. Unang punta ko sa taon na ito kung sakali.
Pero hindi ko naman talaga kelangan magbalk loob ke Bro este sa Diyos pala. Dahil hindi naman talaga nawala ang loob ko. At para maniwala kayo magpapapako ako sa krus sa darating na semen semana santa at magpapahagupit ng latigo at kadena sa aking likod. Syempre biro lang yun. Kapag ginawa ko yun parang sinabi ko na rin na titigil na ang korapsyon sa ating bansa.
Huwag kayong maniniwala sa naririnig nyong malapit ng sunugin ang kaluluwa ko sa impyerno. Hilig ko lang talaga ang paglalaro ng apoy. Naiinggit nga ako sa mga taong bumubuga ng apoy, sumasayaw na me umiikot na apoy, at yung mga taong kayang pasuin ang sarili nila na hindi nasasaktan. Aliw na aliw ako sa kanila tuwing nakikita ko sa Talentadong Pinoy kahit di sila nananalo. Hindi sila mahihirapang mag adjust kung sakaling hindi sila sa langit mapunta.
At para mas lalong mapalalim ang aking pananampalataya, ako ay mag aayuno. Alam kong hindi ito gaanong sakripisyo kung tutuusin. Sa mahal ng presyo ng mga pagkain ngayon aba’y mapipilitan ka talagang bawasan ang iyong nilalamon. Pero change me. Ibahin nyo ko dahil di ko kakainin lahat ng klase ng karne sa panahon ng ayuno. Hindi ako titikim, kahit singhot. Kahit yung karneng masarap pisilin, iiwasan ko.
Pagpalain nawa ako.
Kailangan din daw magbawas ng luho bilang sakripisyo. Kailangan gayahin ang Tagapag ligtas na namuhay ng simple at payak. Sabihin nyo yan ke Willie Revillame at hindi sa akin. Wala akong kapasidad para maging maluho. Hindi naman siguro luho ang magpagupit kung saan si John Lloyd nagpapagupit di ba?
Judge me.
Hindi ko masasagot kung ano ang tunay na sukatan ng tamang pananampalataya. Malamang me dagdag pogi points ka sa Maykapal kung sasali ka sa mga pabasa at senakulo, magpu prusisyon at magbisita iglesia. O magpahagupit ng latigo sa harap ng madla.
Pero sana maging sapat na muna ang tanging paraan ng pagsisisi na alam ko. Ang maging mabait, ang mag sakripisyo, at ang magsuot ng shorts tuwing magsu surf ng internet.
Akala ko hindi na ako istupid. Pero akala ko lang pala. Eto at me chikinini na naman.
Sabi ko nga , kelan man hindi na ako magkakaroon ulit ng ganito. Nakakahiya. Noong unang nagkaroon ako ng kissmark nahirapan akong itago. Walang naniwalang kagat lang ng lamok yung pulang mapa na nasa leeg ko. Halos hiramin ko yung neck brace ng matandang kapitbahay namin makaligtas lang sa kahihiyan.
Kaya’t ayun, wala akong nagawa kundi itaas na lang ang aking kwelyo. At habang itinatago ko ang pulang marka sa leeg , pulang pula naman ang mukha ko sa hiya.
Ewan ko nga sa iba at parang medalya kung i display ang kissmark. Ipinagyayabang ata na active sexlayp nila. Kulang na lang maglagay ng blinking arrow na nakaturo sa hickey nila sa leeg. Malamang tirik mga mata niyan habang nangyayari ang paninipsip. Ang swerteng mga kumag.
Bad trip at nangyari uli yun ng minsang malasing ang kumag din na ito. Hindi ko nilagyan ng band aid dahil hindi magkasya halata pa din. Hindi ko nilagyan ng concealer dahil wala naman ako nun. Hinayaan ko na lang at nag astang mainit ang ulo. Pinanindigan ko ang aking chikinini at ipinahalata na galing ako sa isang matinding gabi at puyat na puyat --kaya’t wag na wag kayong magkakamaling mang asar!
Epektib sya for five minutes. Limang minutong walang asaran. After six minutes, nagtampal na ko ng salonpas sa aking leeg at sinabing ngangangalay na ito kasi. Awts.
Nakakagigil lang ba talaga ako o lapitin lang ng mga linta?
You can view my private photo...
Super bad trip. Ayan ang mapa ng Uzbekistan sa aking dibdib. Ang hilig ko pa naman maghubad ng tshirt. Naisip ko kagad pasuin ng yosi pero wag. O magpa henna tattoo. Bakit kasi di kagad ako kumalas nang me bampirang nagtangkang sipsipin ang aking puso. Bakit ako napapikit at nagpa ubaya. Bakit ang tanging namutawi sa aking labi ay… Syet, nag marka!
Istupidness.
Konswelo ko na lang hindi sa leeg. Hindi ko na kailangan mag isip ng palusot. Gaya ng allergy, birthmark, sunburn o galis. O nasobrahan sa pagkuskos ng libag kaya namula. Pero sa susunod, kung trip din lang magpalagay ng chikinini, mainam na sa mas tagong parte ng katawan na lang. Sa puwit, singit, o talampakan. O sa ngala ngala para di talaga mapuna
Akala ko tapos na ko sa kalibugan. Akala ko lang pala. Pero sa ngayon off limits na mga bampira. Kutis dugyot na nga ako mamarkahan nyo pa ng pula.
Hindi ako siopao. Basta…
.
Siyanga pala, isang taon na ang blog na ito. E ano ngayon? Wala. Nasabi ko lang.
Dati dalawa lang kaming nagbabasa ng blog ko. Ako at ang aking konsensya. Pero akalain mo yun, madami na ang mga konsensyang umaali aligid dito! Nagsimula itong blog bilang hamon sa aking sarili na kumpletuhin ang simbang gabi noong nakaraang taon. Na kahit walang nagbabasa, parang ogag akong post ng post araw-araw. Baka sakaling maligaw si Lord at mapagtanto niyang mabait akong nilalang at ambunan ako ng kahit konting grasya. Kahit konting dagdag lang sa kagwapuhan.
Pero ewan ko. Di ata sya dumaan sa blog ko. Wala kasing grasyang dumating.
Subalit grasya na ring maituturing na kahit papano ay humihinga pa rin ang walang kwentang blog na ito. Andiyan kayo, andito ako. Solb.
Para lalo akong ma inspire sa pag blog sa 2009, eto share ko ang aking
Lumipat ng tinatayaang lotto outlet.
Palitan ang “Who Let the Dogs Out” na ringtone.
Mag post sa blog araw-araw.
Babawasan ko ang pag reply ng Ha Ha sa comment section.
Hindi ko na iisipin ang aking mga ex.
Resbakan ang mga taong me atraso sa akin ngayong taon.
Sumali sa isang support group ng mga bigo.
Tumutok sa balita tungkol sa bayan at hindi sa lablayp ni Marian.
Ititigil na ang pagtalon tuwing bagong taon. Taon-taon kong ginagawa yan, wala ding nangyayari. sumasakit lang betlogs ko sa kaka alog.
PBA092q21oo3
Mahigit isang linggo na ring sumasakit itong ulo ko. Nakakatakot na nga at baka tinutubuan na ako ng totoong sungay. Lord, wag naman. Pangako magpapakabait ako hanggang pasko. Buti na lang at nawawala naman sa tuwing iinom ako ng gamot. Kaya kahit papano naka smile pa rin ako sa buhay.
Noong papalapit na ang birthday ko lalong kumikirot itong utong ulo ko. Napa smile na naman ako. Ayos me rason akong hindi mag celebrate! Ako kasi yung taong merong birthday blues. Tuwing papalapit ang kaarawan, gusto ko maglaslas ng pulso, mag Russian roulette, o tumawid bigla kapag me humaharurot na ten wheeler truck. Ayokong merong cake, ayokong merong kukamakanta ng happy birthday, ayokong me mascot.
Gusto ko tagay lang. Baka sakaling malunod ako sa alak at makalimutan kong huminga.
Pero naisip ko marami na ring pinagdaanan ang walang kwentang buhay na ito. Marami na ring dapat i selebreyt. Gaya ng tahi ko sa ulo. O yung tahi ko sa likod. O yung mga pilat sa aking puso. Ilang beses na ring nalagay sa bingit ng kamatayan pero eto at patuloy pa ring nagigising sa araw-araw. Masamang damo. Yes, achievement ito!
Kaya kahit gusto kong iuntog ang ulo ko, pinagbigyan ko na ang mga kaibigan kong uhaw na uhaw sa sex alak. Okay sa akin na walang matanggap na regalo. Kahit pinitas na santan lang nga sa kalsada ang ibigay mo matutuwa na ako. Pero ang ipagluto ka ng mga kaibigan mo, aasikasuhin ang lahat at isasara ang buong restaurant para sayo na hindi alam ng me ari, e higit pa sa regalo. Malamang hayok na kayo sa happenings niyan.
Pwera biro, nakakataba yun ng puso. Ang makitang pinasasaya ka ng mga kaibigan mo ay higit pa sa bisa ng sampung paracetamol. Parang ayaw mo na iuntog ulo mo, parang ansarap mag head bang!
P.S. Maraming salamat sa iilang nilalang na nakaalala sa kaarawan ko.
-gillboard
*
Ngayong malamig ang simoy ng hangin at ako’y nakatalukbong ng kumot, naalala ko ang mga kwentong pangkama pampa antok. Hindi uso ang paghehele sa akin noon. O ang ako’y iduyan para makatulog. Sariwa pa sa aking isip ang kwento ng pagong at matsing na paulit ulit na ikinukwento sa akin, araw-araw, gabi-gabi, bago ako pumikit.
Subalit ako’y dilat na dilat at laging iniisip kung bakit naunahan ng pagong ang matsing sa karera nila.
Buti naman at bago ako nag binata narinig ko din ang iba pang kwento maliban sa dalawang hayop na yun. Natutunan ko sa mga bedtime stories na wag basta magtitiwala sa matatandang mangangatok sa iyong bahay at magbibigay ng mansanas, na dapat maging mabait sa mga palaka dahil malamang royal blooded ito na nagsahayup lamang, na kapag inalipin ka ng matagal na panahon darating ang araw na anuman ang iyong naisin ay ibibigay ng fairy godmother. At sinong inuto nyo? Kahit walang muwang ako nun, alam kong ang happily ever after ay isang patibong lamang para ako ay makatulog.
Subalit hindi e. Dilat na dilat pa rin ako. At nagninilay nilay kung bakit naunahan ng pagong ang matsing.
Pero heto na, at dumating din ang panahong narinig ko ang mga gusto kong marinig. Panahon iyon ng mga brown-out na hanggang ngayon ay nangyayari pa rin sa aming probinsya. Ang saya kong marinig noon ang mga istorya ng mga ispiritong gumagala, ang kwento ng manananggal na nagroronda sa mga bubong, ang nakaputing babae na naka antabay sa puno ng balete. Aandap andap man ang kandila, walang pagsidlan ng tuwa ang aking puso habang naririnig ang kwento ng tikbalang, aswang at santermo. Ng mga patay na nabubuhay, ng mga gumagalaw na baso sa ispirit of da glass, at kung bakit nag iiba ang boses at lumalakas ng sobra ang aming kapitbahay sa tuwing ito’y sinasaniban.
Ito ang laman ng aking murang isip bago mahimbing na makatulog. At tsaka ko lang nakalimutan ang kwento ng karerahan ng pagong at ng …at ng… at ng kasama nitong hayop.
Paminsan-minsan parang bata ko pa ring hinahanap hanap ang mga bedtime stories. Pero dahil malaki na ako at puro malisya ang utak, hindi na yun nangyayari. Ibang kwento na ang nagpapahimbing sa akin. Ito ang kwentong masarap namnamin kahit walang salitang dapat bigkasin. Ang istorya ng magdamag-- na higit pa sa hiyaw ng kababalaghan, higit pa sa karerahan at mga palasyo ng ever after.
At sa kalaliman ng malamig na simoy ng gabi, ang tanging namumutawi sa aking bibig ay ang init ng aking mga maririing ungol. Basta…
Labels: Adam Sandler, Walt Disney










